Iginiit ng Kamara na fake news at malisyoso ang mga kumakalat na impormasyon na si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay contractor na sangkot sa mga proyekto ng gobyerno.

Nakasaad sa HOR-Fact Check Facebook page na walang interes, pag-aari at kaugnayan si Romualdez sa anumang construction business.

Hindi rin umano namamahala si Romualdez, kumakatawan at konektado sa mga contractors na mayroong kontrata sa pamahalaan.

Sa hiwalay na post sa HOR-Fact Check Facebook page ay pinabulaanan naman na malapit si Romualdez kay Alex Abelido na presidente ng Legacy Construction Corporation na naging daan para makakopo ito ng flood control projects.

Binigyang-diin sa HOR-Fact Check post na hindi personal na kilala ni Romualdez si Abelido at wala din siyang papel sa kompanya ni Abelido at mga kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

-- ADVERTISEMENT --

Bunsod nito ay umaapela ang Kamara sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga mali at malisyosong ulat o impormasyon dahil ang nabanggit na mga gawa-gawang istorya ay bahagi ng malawakang disinformation campaign para sirain si Romualdez at pahinain ang integridad ng Kamara.