
Mariing itinanggi ng Philippine Ports Authority (PPA) ang paratang ng overpricing kaugnay ng kanilang P340-milyong body-worn camera project.
Ayon sa ahensya, ang procurement process ay dumaan sa tamang proseso at sumusunod sa Government Procurement Reform Act.
Ang pahayag ay tugon sa alegasyon ni Senador Raffy Tulfo na umano’y bumili ang PPA ng 191 body cameras sa halagang P879,000 bawat isa mula sa Boston Home Inc.—isang kumpanyang may P10 milyong paid-up capital at nakarehistro umano sa isang tirahang apartment.
Giit ng PPA, hindi tamang hatiin ang kabuuang halaga ng proyekto upang tukuyin ang presyo kada unit dahil saklaw ng kontrata ang mas malawak na sistema, hindi lang ang mga kamera.
Paliwanag ng PPA, ang dalawang bahagi ng proyekto ay na-award sa presyong mas mababa kaysa sa approved budget nito—P168.8 milyon noong 2020 at P168.68 milyon noong 2021.
Saklaw ng proyekto ang 164 body-worn cameras na may livestreaming at facial recognition features, docking stations, workstations, RFID cards, software licenses, fiber at satellite connectivity, installation sa buong bansa, pagsasanay, at multi-year warranty.
Depensa pa ng PPA, pasado sa lahat ng legal, teknikal, at pinansyal na rekisito ang Boston Home, kabilang ang pagkakaroon nito ng PhilGEPS platinum registration at audited financial capacity na P4.7 bilyon.
Nakatapos na rin umano ang kumpanya ng isang P217-milyong surveillance project para sa Philippine Coast Guard.
Sa kabila nito, iniimbestigahan pa rin ng PPA ang ulat na may naibigay na sirang kagamitan ang supplier sa ibang ahensya, at nangakong kikilos kung mapatunayang totoo.