Tuguegarao City- Mariing itinanggi ng Barangay kapitan ng Tanza, Tuguegarao City na nagmula sa kanya ang kumakalat na impormasyon sa social media na magpapatupad ng lockdown sa naturang Barangay.

Base sa kumakalat na impormasyon na ipinost sa facebook ni Junielyn Allen Garcia Corpuz, ipapatupad umano ang lockdown sa Barangay Tanza dahil sa apat na miyembro ng isang pamilya, na kinabibilangan ng isang buntis na positibo sa COVID-19 at kinumpirma pa umano ito ni Barangay Kapitan Lucas Ballad.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ballad na fake news ang nasabing impormasyon dahil wala namang kumpirmadong kaso o Person Under Investigation (PUI) ng COVID-19 sa kanyang nasasakupang lugar.

Tinawag din niyang ‘sira-ulo’ ang naturang netizen na wala na sa kanilang bahay nang puntahan ito ng opisyal ng Barangay upang komprontahin.

Gayonpaman, nakatakdang kausapin ngayong araw ng kapitan ang mga magulang ni Corpuz upang klaruhin ang naturang maling balita.

-- ADVERTISEMENT --

Pinayuhan din ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi kumpirmadong impormasyon.