
Magkasamang naglunsad ang International Atomic Energy Agency (IAEA) at United Nations Food Agency ng isang $1 million research project upang mapigilan ang pagkalat ng screwworm outbreak sa Americas, kabilang ang pagresolba sa kakulangan ng sterile flies na ginagamit sa pagkontrol nito, ayon sa ulat noong Biyernes.
Muling lumitaw ang screwworm sa Central America at Mexico, at kamakailan lamang ay nakumpirma rin sa Estados Unidos—ang unang kaso sa loob ng mahigit 40 taon.
Nagdudulot ito ng banta sa livestock, wildlife, at alagang hayop, at naiulat ding nag-ambag sa pagtaas ng presyo ng karne ng baka sa halos record levels.
Ang screwworm ay isang peste kung saan ang babaeng langaw ay nangingitlog sa mga sugat ng anumang hayop na may mainit na dugo. Kapag napisa, ang mga uod ay kumakain ng buhay na laman ng biktima, na maaaring mauwi sa pagkamatay kung hindi maaagapan.
Ayon sa mga ahensya ng UN, isa sa pangunahing solusyon ay ang sterile insect technique kung saan ang mga langaw ay pinapailaw sa radiation upang mawalan ng kakayahang magparami.
Kapag nakipag-mate ang mga sterile flies sa wild flies, unti-unting bumababa ang populasyon ng peste.
Tinatayang aabot sa 600 milyong sterile flies kada linggo ang maaaring kailanganin para sa emergency response, ngunit nasa 100 milyon lamang kada linggo ang kasalukuyang produksyon sa Panama facility.
May mga planong dagdagan ang kapasidad sa mga pasilidad sa Mexico at Texas upang makadagdag ng hanggang 400 milyong sterile flies kada linggo sa mga susunod na taon.
Ginamit na rin ang naturang paraan noon upang tuluyang mapuksa ang screwworm sa United States, Mexico, at Central America.






