
Ginamit ng mga kaalyado at kalaban ng Estados Unidos ang emergency meeting ng U.N. Security Council na ihayag ang kanilang pagtutol sa isinagawang U.S. military operation sa Venezuela at inaresto ang lider na si Nicolas Maduro.
Binatikos ng mga ambassadors ng iba’t ibang bansa ang ginawa ni US President Donald Trump na intervention sa Venezuela at ang pahiwatig niya ng posibilidad na pagpapalawak ng military action sa iba pang bansa tulad ng Mexico at Colombia dahil sa akusasyon ng drug trafficking.
Mariing kinondena ni Christina Marcusa Lassen, ambassador ng Denmark sa UN na may hurisdiksyon sa mayamang bansa sa mineral, ang plano na sakupin ang Greenland, bagamat hindi binanggit ang kaalyado nito sa NATO.
Ipinagtanggol din niya ang soberenya ng Venezuela, kung saan iginiit niya na walang bansa ang dapat na impluwensiyahan ang pulitika sa nasabing bansa sa pamamagitan ng karahasan o iba pang paraan na labag sa international law.
Bagamat inindorso ni French President Emmanuel Macron ang pag-aresto kay Maduro, bahagyang naging critical naman ang U.N. envoy, at sinabi niya na ang paglabag sa international law ng limang permanent members ng U.N. Security Council, na kinabibilangan ng U.S. ay nagpapabagsak sa pundasyon ng international order.
Ipinagtanggol naman ni U.S. envoy Mike Waltz ang operasyon sa Venezuela na makatuwiran at isang surgical enforcement operation.
Pinuna din niya ang pagbatikos ng 15-member council sa pagbatikos sa naging aksyon ng U.S. sa Venezuela, na aniya ay pinamumunuan ng isang hindi lehitimong narco-terrorist.
Nagpahayag naman ng pagkabahala si U.N. Secretary-General Antonio Guterres dahil hindi iginalang ang rules of international law.
Sinabi niya na posibleng maging precedent ito sa magiging relasyon sa pagitan ng mga bansa sa hinaharap.
Sa kabila ng malakas na suporta para sa soberenya ng Venezuela, nanawagan ang envoy nito na si Ambassador Samuel Moncada sa Security Council na hilingin sa Washington na palayain si Maduro at kanyang asawa.
Ang mga pinakamalaking kritiko ng U.S. sa foreign policy, ang China at Russia, na kapwa ring permanent members ng Security Council ay nanawagan sa U.N. na magkaisa para kondenahin ang America.
Lumikha si Maduro ng close relationship sa Russia, habang ang China ang pangunahing destinasyon ng malaking langis ng Venezuela.










