Magaling na at nakalabas na sa Cagayan Valley Medical Center ngayong araw ang unang pasyente na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Cagayan.

Bagama’t noong nakaraang Linggo pa lumabas ang resulta na negatibo na si PH275 sa ikalawang swab test ay hindi muna ito pinauwi dahil sa ibang problema nito sa kalusugan gaya ng sakit sa puso at mababang hemoglobin.

Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na may follow up check up ang nasabing recovered patient at sa iba pang gumaling sa COVID-19, kung saan may inilaang hiwalay na section para sa kanila.

Samantala, pito (7) nalang ang nananatili sa pagamutan mula sa 22 kumpirmadong kaso ng covid 19 sa lambak Cagayan.

Tatlo ang kasalukuyang naka-admit sa CVMC, isa naman sa Southern Isabela Medical Center sa Santiago City, dalawa sa Region 2 Trauma and Medical Center sa bayan ng Bayombong at isa ang naka-home quarantine.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy pa rin naman ang paalala ng mga kinauukulan na iwasan munang lumabas sa tahanan at i-observe ang social distancing kasama na ang palagiang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig.