
Inihain ang unang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kamara kaunay sa umano’y pagkakasangkot niya sa 2025 corruption scheme kaugnay sa unprogrammed appropriations, at iba pang issues.
Isinumite ni Atty. Andre de Jesus ang reklamo ngayong umaga sa tanggapan ni House Secretary General Cheloy Garafil.
Inindorso ang reklamo nina Deputy Minority Leader and Pusong Pinoy party-list Rep. Jernie Nisay.
Sa kanyang reklamo, tinukoy ni De Jesus ang mga sumusunod na grounds:
Pag-utos sa pagdukot at pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court
Inakusahan niya si Marcos na drug addict, na nakakaapekto umano sa judgement at leadership ng pangulo
Kabiguan umano nito na i-veto ang unprogrammed appropriations at ibang unconstitutional provisions sa General Appropriations Acts for 2023, 2024, 2025, at 2026
Nakinabang umano sa kickbacks sa budget insertions at ghost flood control projects
Pagtatakip umano sa mga tiwaling mga kaalyado nito sa pamamagitan ng pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI)
Paglabag umano sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko dahil sa pagsuko kay Duterte sa ICC
Sa ICI, sinabi ni De Jesus na ang lupon na nag-iimbestiga sa flood control controversy ay ginamit na kasangkapan para puntiryahin ang mga kalaban nila sa pulitika.
Idinagdag pa ni De Jesus na ang pagtanggi ni Marcos na direktang sagutin ang mga alegasyon ng paggamit ng iligal na droga, ay maaaring gamitin laban sa kanya.
Ayon sa kanya, hindi sumailalim si Marcos sa anomang pagsusuri o proseso para patunayan na hindi totoo ang alegasyon na siya ay adik o gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Matatandaan na nitong buwan ng Nobyembre, sa isang rally ng religious group, sinabi ni Senator Imee Marcos na gumagamit ng iligal na droga ang kanyang kapatid na si Pangulong Marcos.










