
Idineklara ng House Committee on Justice ang unang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang “insufficient in substance.”
Sa pagdinig ng komite nitong Miyerkules, 42 miyembro ang bumoto para ibasura ang reklamo na inihain ni Atty. Andre de Jesus at sinuportahan ni Pusong Pinoy party-list Rep. Jernie Jett Nisay.
Ayon sa ilang mambabatas, ang mga paratang ay batay lamang sa haka-haka at “hearsay.”
Isa lamang ang bumoto na sapat ang reklamo, si Rep. Nisay, habang ang tatlong miyembro ng Makabayan bloc ay nag-abstain.
Bago ang botohan, pinayagan ni Komite Chairman Batangas Rep. Gerville Luistro ang mga miyembro na magkaroon ng dagdag na isang araw upang pag-isipan ang mga tinalakay sa deliberasyon.
Kabilang sa mga pangunahing paratang sa reklamo ni de Jesus ang diumano’y paggamit ng ilegal na droga at korapsyon ni Marcos.
Ayon sa mga mambabatas, ang mga alegasyong ito ay higit na nakabatay sa ulat sa media at haka-haka, kaya’t hindi ito sapat bilang batayan sa impeachment.
Isa pa sa tinukoy na dahilan ay ang paglikha ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), na sinasabing ginawa upang protektahan ang mga kaalyadong sangkot sa katiwalian.
Subalit sinabi ni Caloocan Rep. Edgar Erice na hindi ito maituturing na impeachable offense at higit na haka-haka lamang ang mga paratang laban sa ICI.










