Hindi umano pinanghinaan ng loob ang unang pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 sa Cagayan na nag-negatibo o gumaling na sa naturang virus.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo via phone patch, sinabi ni PH275 na naging sandigan niya sa isolation room sa pagamutan ang Panginoon kung saan palagian ang kanyang pagdarasal.
Bagamat nakaramdam ng takot, hindi naman siya pinanghinaan sa paglaban sa virus at sinunod ang mga payo ng kanyang duktor.
Palaisipan naman para sa kanya kung paano siya nahawa ng virus dahil hindi naman siya lumalabas at wala naman umano siyang nakasalamuha na positibo sa COVID-19.
Gayonman, laking pasasalamat nito na tuluyan na siyang gumaling kung saan ngayong araw (April 1), inanunsiyo ng Department of Health (DOH)- Region II na negatibo na siya sa virus sa isinagawang COVID-19 retest.
Kaugnay nito, pinayuhan ng pasyente ang publiko na panatilihing malinis ang katawan at ugaliing maghugas para makaiwas sa virus.
Bukod kay PH275, nag-negatibo na rin sa COVID-19 sina PH661 ng Tuao, Cagayan, PH837 at PH840, kapwa taga- Alicia, Isabela, PH983 ng Tuguegarao City at PH1261 ng Bayombong, Nueva Vizcaya.