

Nakapagtala na rin ng kauna-unahang kaso ng COVID-19 Delta variant ang Cordillera Administrative Region na mula sa Pudtol, Apayao.
Sa anunsiyo ng Provincial Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa lalawigan ng Apayao, natuklasan ang pagkakaroon ng nakahahawang variant matapos lumabas ngayong araw, Agosto 6 ang pagsusuri ng Genome Center sa ipinadalang specimen noong nakaraang buwan.
Bagama’t nakarekober na ang naturang kaso noong nakaraang buwan ay magsasagawa ng massive contact tracing ang provincial task force para masigurong maiwasan ang hindi inaasahang hawaan.
Sakaling matunton ang mga posibleng nakasalamuha ng nagpositibong pasyente ay isasailalim rin ito sa RT-PCR test.
Kaugnay nito, siniguro ng provincial IATF sa publiko na kontrolado ang sitwasyon sa lalawigan at kanilang ginagawa ang lahat para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Samantala, isinailalim sa temporary lockdown ang bayan ng Pudtol simula ngayong araw habang naghihintay ng resulta ng isinagawang mass testing.
Pinaalalahanan naman ang publiko na maging mapagmatyag at sundin ang health protocol partikular ang pananatili sa loob ng bahay, pagsusuot ng face mask at kung kakailanganin man na lumabas ay para lamang sa mga essential at emergency situations
Sa ngayon ay mayroong 391 na aktibong kaso ng COVID-19 ang buong lalawigan.




