
Iniulat ng Provincial Health Office ng Aurora na naitala sa kanilang lalawigan ang kauna-unahang kaso ng Monkeypox (Mpox) ngayong 2025.
Bagama’t hindi ibinunyag ang eksaktong lokasyon, pinayuhan ng mga opisyal ang publiko na maging maingat lalo na’t may mga sinusubaybayang iba pang posibleng kaso.
Ayon sa kanila, dapat agad kumonsulta sa pinakamalapit na health center kung may nararanasang sintomas tulad ng lagnat, pantal, o pananakit ng katawan.
Nilinaw naman ng DOH na hindi kailangang magpatupad ng lockdown dahil hindi airborne ang Mpox at hindi ito ganoon kabilis kumalat.
Pinaalalahanan din ang publiko na huwag basta maniwala sa mga pekeng impormasyon sa social media.
Ang Mpox ay naihahawa sa pamamagitan ng matagalang skin contact, respiratory droplets, at kontaminadong gamit. Kabilang sa sintomas nito ang mga paltos, lagnat, pananakit ng kalamnan, at pamamaga ng kulani.
Patuloy naman na paalala ng mga health authorities na sundin ang health protocols, tulad ng tamang paghuhugas ng kamay at pag-iwas sa may sakit.