
Pormal nang binuksan sa publiko ang kauna-unahang underpass sa General Santos City matapos ang halos apat na taong pagkaantala sa konstruksyon.
Sa inspeksyon, sinabi ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na aakuin na ng DPWH ang maintenance ng underpass, kabilang ang operasyon ng mga pump, upang hindi na ito maging dagdag na gastusin ng pamahalaang lungsod. Umabot sa mahigit ₱700 milyon ang halaga ng proyekto na naantala dahil sa problema sa disenyo at kakulangan sa pondo.
Samantala, ininspeksyon din ni Dizon ang nasirang flood control dike sa Barangay Labangal na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol noong Hunyo 8. Iniutos niya ang agarang dredging ng ilog upang mabawasan ang pagbaha, habang pinag-aaralan naman ng lokal na pamahalaan ang posibleng relokasyon ng ilang residenteng nakatira malapit sa dike.




