
Binigyang-diin ni US President Donald Trump na “no deal” sa Iran maliban lamang kung susuko ito nang walang anomang kundisyon.
Kasabay nito, sinabi ni Trump na kailangan na pumili rin ang Iran ng bagong lider na katanggap-tanggap sa kanyang administrasyon.
Kaugnay nito, sinabi ng militar ng Israel na naglunsad sila ng panibagong mga pag-atake sa Iran at nasira ang military command bunker sa Tehran na may 50 fighter jets.
Ayon naman sa ilang residente sa Iran na pinakamatindi ang mga pag-atake nitong nakalipas na magdamag, kung saan sunod-sunod ang mga strike.
Iniulat naman ng health ministry ng Lebanon na mayroon na silang naitala na 217 na namatay buhat nang magsimula ang pag-atake ng Israel.
Sinabi naman ng Iranian ambassador sa United Nations na si Amir Saeid Iravani na 1,332 na mga sibilyan ang namatay sa US-Israeli strikes sa kanilang bansa buhat noong araw ng Sabado.
Ayon sa kanya, batay sa ulat ng Iranian Red Crescent Society, kabilang sa mga namatay ay mga babae at mga bata.
Pinabulaanan naman ng US na pinupuntirya nila ang civilian infrastructure bagamat iniimbestigahan ang pagpapasabog sa isang paaralan ng mga bata sa Iran, habang inakusahan naman ng Israel ang Iran na target ang kanilang mga sibilyan.









