Binisita ni Dr. Glen Mathew Baggao, Undersecretary ng Universal Health Care-Health Services Cluster Area 1, ang ilang mga pagamutan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at Cagayan.
Ayon kay Baggao, layunin ng kaniyang pagbisita na makita kung ano pa ang mga aspeto ng mga ospital na kinakailangang mapabuti upang mapalakas ang kalidad ng kanilang serbisyo sa mga pasyente.
Kabilang sa mga ospital na kanilang binisita sa Region 1 ang Ilocos Sur Medical Center, Mariano Marcos Medical Center, Region 1 Medical Center sa Dagupan, at ang Northern Cagayan General Hospital na isang bagong ospital sa hilagang bahagi ng Cagayan.
Nagkaroon din ng pagkakataon si Baggao at ang kaniyang grupo na makipag-dialogo sa mga empleyado ng Department of Health (DOH) mula sa iba’t ibang ospital ng Cordillera, kabilang ang FarNorth General Hospital.
Ayon pa kay Baggao, bahagi ng kanilang mandato ang tiyakin na ang mga programa ng Kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan at ng pambansang gobyerno ay naipapatupad nang maayos sa mga ospital sa kanilang nasasakupan sa Area 1.
Bukod dito, layunin din nilang matukoy ang mga kakulangan sa mga ospital, tulad ng mga tauhan, kagamitan, at iba pang pasilidad na nangangailangan ng pagpapabuti.
Sa kabilang banda, ipinagmamalaki ni Baggao na halos lahat ng mga ospital sa Cluster Area 1 ng DOH ay kumpleto na sa mga specialty areas, lalo na sa mga kagamitan. Kasalukuyan din nilang tinatapos ang kinakailangang manpower ng bawat ospital upang matiyak ang pagbibigay ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan.