
Mahigit 583,000 military at uniformed personnel o MUP ang inaasahang makatatanggap ng 5% dagdag sa kanilang base pay simula Enero 1, 2027, ayon sa Department of Budget and Management o DBM.
Kasabay nito, itataas sa P350 kada araw ang subsistence allowance ng MUP mula sa kasalukuyang P150. Nasa P73.67 billion ang inilaan ng pamahalaan para pondohan ang naturang dagdag-allowance.
Bahagi ito ng ikalawang tranche ng adjusted base pay sa ilalim ng Executive Order 107. Para sa 2027, nakalaan ang P74.92 billion para sa adjusted base pay ng AFP at P100.55 billion para sa PNP.
Samantala, itataas ang proposed budget ng AFP sa P316.71 billion, habang P242.53 billion naman ang para sa PNP. Kasama rin sa panukalang pondo ang karagdagang resources para sa modernization, kagamitan, healthcare at iba pang pangangailangan ng mga sundalo at pulis.









