Nakahandang makipagtulungan ang United Kingdom sa mga hakbang ng gobyerno ng Pilipinas partikular sa lalawigan ng Cagayan para sa humanitarian assistance at disaster preparedness bilang isa sa mga sinasalanta ng kalamidad gaya ng bagyo.

Ito ang tiniyak ni British Ambassador to the Philippines Laure Beaufils sa kanyang pagbisita sa lalawigan at hiwalay na nakipagpulong kay Governor Manuel Mamba at Tuguegarao City Mayor Maila Que at mga environmental organization.

Layon din ng pagbisita ng British Ambassador na palakasin ang partnership ng UK at lalawigan ng Cagayan may kaugnayan sa environmental initiatives at climate change resiliency programs.

Binigyang diin nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kaalaman ng bawat isa sa pagtugon sa climate change upang makamit ang biodiversity conservation at climate change mitigation.

Aniya, bawat isa ay may magagawa kahit pa ito ay maliit na kapamaraanan upang mabawasan ang epekto ng climate change, katulad na lamang ng paggamit ng renewable energy.

-- ADVERTISEMENT --

Handa rin aniya ang UK sa anumang tulong na kakailanganin ng Pilipinas upang matugunan ang naturang mga isyu.

Samantala, ibinida rin ng British Ambassador ang libu-libong mga Filipino Workers sa UK na nasa medical field, real estate at politika.

Nagpahayag rin ito ng suporta sa Pilipinas sa laban nito sa China kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea.