TUGUEGARAO CITY-Sugatan ang 18 katao kasama ang tatlong menor-de-edad matapos sumalpok ang sinakyang pampasaherong van sa isang puno sa Brgy Minganga Sur, Iguig, Cagayan.
Ayon kay Police Staff Sergeant Walter Lacambra ng PNP-Iguig,batay sa salaylay ng nakakita sa aksidente, pagewang-gewang umano ang van bago sumalpok sa puno.
Nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang lahat ng pasahero kabilang ang driver na si Job Oro na sa ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP-Iguig.
Napag-alaman na galing ang van sa bayan sa Sta Ana at papunta ito sa lungsod ng Tuguegarao.
Sinabi ni Lacambra na una umanong sumuko ang driver sa PNP-Amulung ngunit inilipat din ito sa PNP-Iguig.
Sa ngayon, kasalukuyan nang nilalapatan ng lunas ang mga sugatang pasahero sa Cagayan Valley Medical Center habang patuloy na kinukuhanan ng pahayag ng kapulisan ang driver ukol sa insidente.