TUGUEGARAO CITY- Mahigit sa P6,000 at apat na laptop ang tinangay umano ng mga kawatan na pumasok sa administrative building ng Cagayan State University sa Piat, Cagayan kaninang madaling araw.
Sinabi ni Pcapt. Gil Pagulayan, hepe ng PNP Piat, batay sa salaysay ng dalawang gwardiya na nagbabantay sa nasabing gusali na sina Pedro Malana at Dante Formoso na anim na kalalakihan ang pumasok at tinutukan sila ng baril at iginapos.
Ayon kay Pagulayan, tinanong umano ng mga kawatan kung nasaan ang vault at dahil sa takot ay itinuro nila ang kinalalagyan nito sa cashier’s office.
Subalit walang nakuhang pera ang mga kawatan sa vault kaya naghanap sila ng iba pang mahahalagang bagay na maaari nilang pakinabangan sa ibang opisina ng gusali.
Dito umano nakita ng mga kawatan ang apat na laptop at cash na mahigit sa P6,000.
Sinabi pa ni Pagulayan na nakita ng nagtatrabaho sa dairy farm ang dalawang gwardiya na nakagapos at agad niyang itong ipinaalam kay Vincent Binasoy, CEO ng unibersidad.
Itinawag naman ito ni Binasoy sa mga pulis ng Piat na agad na pumunta sa lugar.
Idinagdag pa ni Pagulayan na posible umano na dati nang nakapasok ang mga kawatan sa nasabing gusali ng CSU- Piat campus na pangatlong beses nang ninakawan.