TUGUEGARAO CITY- Umaabot sa P30M ang halaga ng cocaine na narekober sa karagatang sakop ng Cagayan.

Ito ay matapos muling matagpuan ng mga mangingisda ang panibagong dalawang bricks ng hinihinalang cocaine sa karagatang bahagi ng Fuga Island sa bayan ng Aparri, Cagayan ngayong araw.

Ayon sa PDEA Region 02, ito ay may timbang na humigit kumulang tatlong kilo na nagkakahalaga ng P15M at sa pagsasalarawan ng ahensya ay mayroon itong tatak na columbian Football Team logo na letter M.

Ito ay katulad din ng unang narecober ng mga mangingisda na tatlong bricks ng cocaine sa karagatang sakop ng Ballesteros at Abulug na nagkakahalaga din ng P15M.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, kinumpirma ni Cristy Silvan, assistant regional director ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 2 na cocaine ang laman ng dalawang boxes na unang narecover at nagpalutang-lutang sa dagat sa pagitan ng Ballesteros at Abulug kahapon.

Sinabi niya na dahil sa kuryusidad ng mga nakakitang mangingisda ay kumuha sila ng tatlo rito at ipanakita sa kapitan ng Barangay Punta at agad namang idinulog ng kapitan sa Regional Maritime Unit.

Ayon pa sa kanya, muli pa silang nagtungo sa dagat matapos sabihin ng dalawang mangingisda na may naiwan pa na mga bricks, subalit wala ng nadatnan pa ang mga otoridad.

Dahil dito, gabi na ng ipasakamay a ng mga ito sa Philippine Maritime Unit sa presensiya ng PDEA na agad din na dinala sa laboratoryo at lumabas sa pagsusuri na cocaine ang mga ito.

Sinabi ni Silvan na nagsasagawa pa ang mga otoridad ng malalimang imbestigasyon kung bago o matagal na ang nasabing cocaine sa dagat at kung saan galing ito matapos na may logo sa packaging na magtutukoy sa Columbia.