Away sa lupa o posibleng may kinalaman sa trabaho ang tinitignang motibo ng pulisya sa pamamaril sa mag-asawang sakay ng pick-up sa bayan ng Solana, Cagayan.

Sakay ng kanilang sasakyan patungong Tuguegarao City ang mag-asawang sina Arnel at Salvacion Agustin nang pagbabarilin ng riding-in-tandem suspects, na nakasuot ng sumbrero at face mask sa Barangay Maddarulug.

Dead on the spot si Arnel habang nakaligtas ang kanyang asawa na patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan sa Tuguegarao City.

Narekober sa crime scene ang anim na basyo ng bala ng cal.45 na baril habang mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa bayan ng Enrile.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Capt. Junjun Balisi, hepe ng Solana Police Station na ang tinitignang anggulo sa motibo sa pamamaril ay land dispute o posibleng may kinalaman sa trabaho ni Arnel bilang sub-contractor.

-- ADVERTISEMENT --

Lumilitaw pa sa pagsisiyasat ng PNP na nitong mga nakaraang buwan ay hinagisan ng granada ang bahay ng mag-asawa sa Barangay Nangalisan.

Samantala, kinumpirma ni Balisi na nasa maayos nang kalagayan ang dalawang pulis na naaksidente makaraang sumemplang ang sinasakyang motorsiklo na hahabol sana sa mga suspek.

—with reports from Bombo Efren Reyes, Jr.