TUGUEGARAO CITY- Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad kaugnay sa pagkakakilanlan ng limang miembro umano ng hold-up gang na napatay matapos na makipagbarilan sa mga pulis kaninang umaga sa Tabuk City, Kalinga.
Ito ay matapos na mukuha sa bulsa ng isa sa mga suspect ang ID na may pangalang Joel Fajardo ng Tangle, Mexico, Pampanga at miembro ng Anti-Organized Crime and Corruption Intelligence Group.
Dead on the spot ang dalawa habang dead on arrival sa pagamutan ang tatlo matapos silang magtamo ng ilang tama ng baril sa kanilang katawan.
Sinabi ni PLTCOL Dinulong Tombali, hepe ng PNP Tabuk City, bago ang labanan, nakipag-ugnayan sa kaninang 4:00 ng madaling araw ang Task Force Limbas at Regional Special Operations Group o RSOG na nakita sa lungsod ang robbery hold-up gang na kumikilos sa Region 2, 3 at 4 at sangkot din sa transportasyon ng marijuana.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng surveillance ang intel operatives ng PNP Tabuk sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Kaninang 9:30 am, habang nagsasagawa ng checkpoint ang operating units sa Barangay Bulo, isang kotse na kulay gray at black ang pinaharurot ng driver at tinangkang sagasaan ang mga operatives at pinapatukan pa ang mga ito.
Hinabol ng mga pulis ang sasakyan at nang makarating sila sa Barangay Malalao ay nagkaroon na ng palitan ng putok ng baril.
Nakuha sa sasakyan ang nasa 20 bricks ng marijuana at isang granada at apat na baril na ginamit ng mga suspect.