TUGUEGARAO CITY- Isasailalim sa pagsusuri ng Forensic Division ng PNP Crime Laboratory sa Camp Crame ang nahukay na kalansay ng dalawang lalaki sa Sitio Numpaling Namal, Asipulo, Ifugao.

Layon ng pagsusuri na matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima at kung paano sila namatay na nadiskubre ng isang magsasaka habang naglilinis sa lugar.

Ayon kay Lt. Col. Narciso Nabulneg, commanding officer ng 54th Infantry Battalion, Philippine Army na matibay ang kanilang teorya na biktima ng summary execution ng New Peoples Army (NPA) ang dalawang lalaki na umano’y nagtitinda ng ilang gamit tulad ng mga tolda at plainer.

Batay umano sa salaysay ng mga dating rebelde, napagkamalang military spies ang dalawang tindero nang mapadpad sa lugar noong 2016 kung kaya ipinag-utos ang pagpatay sa kanila.