Pagtagas ng gasolina mula sa makina ng sasakyan at pag-spark ng kable ng kuryente ang naging sanhi ng pagkakasunog sa sinakyan ng apat na kataong nasawi sa aksidente sa Brgy. Anquiray, Amulung kamakailan.
Ayon kay PMAJ Llwilyn Guzman, hepe ng PNP Amulung, ito ang naging resulta sa ginawang pagsisiyasat ng BFP Amulung matapos ang insidente.
Sinabi niya na naging mabilis din ang patakbo ng driver na si Nicole Molina , kaya’t nawalan siya ng kontrol sa manibela at unang sinalpok ang poste ng street light na kinalaunan ay sumalpok din sa puno ng acasia.
Bagamat mayroon aniyang mga residenteng tumulong sa mga otoridad upang respondehan ang apat na biktima ay nahirapan silang makalapit dahil sa spark ng kuryente.
Sinabi pa niya na umabot ng halos isang oras bago naman maapula ang apoy.
Maalalang bago ang insidente ay kasama ni Molina sa loob ng kotse ang kanyang mga tauhan sina Oliver Taganna Jr., Benjie Pascual; at Michael Indita na ihahatid sana pauwi sa kanilang bahay sa Brgy. Estafania.