TUGUEGARAO CITY-Posibleng may kasama pa ang apat na suspek sa panghohold-up sa secretary ng isang construction company sa lungsod ng Tuguegarao na kalaunan ay nahuli at napatay ang ilang miembro sa probinsiya ng Isabela nitong araw ng Biyernes.
Kinilala ang mga namatay na suspek na sina Cristobal Cristobal, Alden Francis Requndique, 33-anyos, na unang nakilala sa pangalang Edmar de Castro ,residente ng Ilocos Sur habang hawak na ng kapulisan si Alfredo Solis na unang nakilala sa pangalang Jayson Saringan, residente ng Pangasinan at patuloy na pinaghahanap ang isa pa na nakilala lamang sa pangalang Bern.
Ayon kay Police Capt. Abdel Aziz Maximo, hepe ng PNP-Ramon, hindi residente ang apat na suspek sa lungsod ng Tuguegarao kung kaya’t maaring may koneksyon ang mga ito sa lungsod na siyang nagbigay ng impormasyon sa naging target na pagnakawan.
Una rito, araw ng Biyernes nang tangayin ng apat na suspek ang perang nagkakahalaga ng P10,000 na pagmamay-ari ni Lorena Carag, 45 anyos sa lungsod ng Tuguegarao.
Lulan ng innova ay mabilis na tumakas ang mga suspek ngunit dahil sa pakikipagkoordinasyon ng Pnp-Tuguegaragao sa mga kalapit na police station sa Isabela ay nahuli at napatay ang ilan sa mga suspek sa probinsiya Isabela.
Bago nito, nagkaroon nang palitan ng putok ng baril sa panig ng mga suspek at kapulisan sa gitna ng palayan sa Brgy San Miguel nang tangkaing tumakas ng mga ito.
Tumagal ng halos isang oras ang putukan ng baril na sanhi ng pagkamatay ng 2 suspek at isa sa mga rumespondeng kapulisan na kinilala na si Pssg Richard Gumarang.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang M16 Armalite rifle, tatlong Caliber 45, pitong magazine ng armalite rifle at magazine ng Caliber 45,limang handheld radio at iba’t-ibang klase ng bala.
Bigo namang makuhang buo ang tinangay na P10,000 dahil batay sa salaysay ng nahuling suspek pinambili na nila ang ilan sa pera ng kanilang pagkain.
Kaugnay nito, sinabi ni Maximo na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa PNP-Tuguegarao para mapanagot sa batas ang iba pang kasamahan ng mga suspek.
Samantala,nakatakdang dadalhin sa probinsiya ng Kalinga ang bangkay ni Gumarang bukas, araw ng Lunes para doon ilalagak.
Si Gumarang ay tubong Allacapan, Cagayan at nakapag-asawa sa Kalinga kung saan siya ay kasalukuyang nakatira kasama ang kanyang pamilya.