Nilinaw ni Dr. Noli Buen ng Provincial Veterinary Office na hindi lamang 400 ang bilang ng mga kalapating naharang ng mga otoridad sa checkpoint sa bahagi ng Sta Praxedes, kamakailan.

Ayon sa kanya, sa isinagawang pagbibilang ng mga tauhan ng Bureau of Animal Industry na sinaksihan ng kanilang hanay ay nakita ang 389 na namatay na kalapati habang mayroon namang 375 na buhay at ang mga ito ay nakitang isiniksik lamang sa walong kulungan.

Ang kawalan ng maayos na bentilasyon at espasyo aniya ang maaaring naging sanhi ng pagkamatay ng marami sa mga ipinuslit na kalapati ng tatlong nahuling suspek.

Gayonman nilinaw niya na nagnegatibo naman sa bird flu ang mga kalapati batay sa lumabas na resulta ng isinagawang pagsusuri.

Sa ngayon ay hawak naman ng BAI ang mga kalapati at nabatid na walang kaukulang dokumento ang pagluluwas sa mga ito kaya’t ibabalik naman ang mga ito sa Caloocan City kung saan nanggaling habang ang Central Office na ng Veterinary Quarantine Services na ang bahala sa disposisyon ng mga ito.

-- ADVERTISEMENT --

Maalalang July 3 ng mahuli sa checkpoint sina Edmundo Paderes at Jeffrey Marcos ng Caloocan City at Rexter Puentebella ng Malabon City na nagpupuslit ng mga kalapati na isinakay sa isang L300 van.

Una rito ay inihayag na rin ng pulisya na pormal ng sinampahan ng kasong paglabag sa Animal Welfare Act ang tatlong nahuling suspek.