Sinampahan na ng kasong Murder si Brgy. Kagawad Eduardo Montorio na angkas ng binaril-patay na barangay Chairman ng Sto. Tomas, Tuao na si Dante Blanza nitong Mayo 24, 2022 matapos ikunsiderang suspek sa nangyaring krimen.
Ayon kay PCAPT Isabelita Gano, tagapagsalita ng PNP Cagayan, sa isinagawang pagsisiyasat at re-enactment ng binuong Special Investigation Task Group ay hindi nagtutugma ang mga statement ng suspek sa lumalabas sa imbestigasyon ng mga otoridad.
Inihayag ni Gano na isa sa matibay na ebidensya ng Special Investigation Task Group ay ang pagpopositibo nito sa paraffin test kung saan hindi ito maipaliwanag ni Montorio.
Kinuwestiyon din aniya ng mga otoridad ang pahayag nito nakita niyang bumalik ang mga riding-in-tandem criminals ngunit sa una nitong statement ay sinabi niya na mabilis siyang kumaripas ng takbo dahil sa takot na baka idamay siya ng mga itinuturong suspek.
Nabatid pa na sinabi din ng Misis ng Biktima na dalawang linggo ang nakakaraan ay nakakatanggap umano ng banta sa buhay ang kanyang asawa ngunit hindi nito idinetalye kung sino ang mga tumatawag sa kanya.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP Tuao ang nasabing suspek at bagamat tukoy na ang pagkakakilanlan nito ay sinabi ni Gano na nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa tunay na motibo nsa pamamaril dahil wala naman aniyang alitan ang mga ito.
Maalalang Mayo 24 ng maiulat na pinagbabaril-patay si Blanza sa bahagi ng Brgy. Bicok kung saan kasama nito si Montorio na papunta sana sa tanggapan ng DA Tuao upang magsumiti ng listahan ng mga mabibigyan sana ng binhi.