TUGUEGARAO CITY-Naiuwi na sa Barangay Babalag, Rizal, Kalinga ang bangkay ng isang pulis na namatay habang nakikipagbarilan sa mga hold-upper sa probinsiya ng Isabela nitong araw ng Biyernes.
Ayon kay Police Capt. Abdel Aziz Maximo, hepe ng PNP-Ramon, Isabela, kahapon ng umaga ay nadala na ang bangkay ni Pssg Richard Gumarang sa kanilang tahanan.
Kasabay nito, sinabi ni Maximo na naisampa na nila ang kasong murder, frustrated murder , illegal possession of fire arms and ammunition at multiple direct assault to agent in authority laban kay Alfredo Solis, ang suspek na nahuling buhay.
Puspusan na aniya ang kanilang paghahanap sa isa pang suspek na nakatakas na kinilala na si Jefferson “Bern” Tugas.
Iniimbestigahan na rin ng kanilang hanay ang nagmamay-ari sa Innova na ginamit ng mga suspek sa panghohold-up na kinilala sa pangalang Eloisa Ragindin ng Angeles City, Pampanga.
Samantala, sinabi ni Maximo na kinuha na rin ang bangkay ng isang suspek na si Alden Francis Regundique ng kanyang pamilya habang nananatiling na sa isang funeral homes sa Isabela ang bangkay ni Cristobal Kristobal.
Nabatid na dating miembro ng Philippine Army si Regundique ngunit nag-AWOL ( Absent Without Official Leave) ito sa serbisyo.
Matatandaan, nitong araw ng Biyernes nang magkaroon ng shoot-out sa pagitan ng kapulisan at sa apat na suspek sa Brgy San Miguel,Ramon, Isabela na sanhi ng pagkamatay ni Gumarang at ng dalawang suspek at pagkahuli ng isa pa.
Una rito, tinangay ng apat na suspek ang P10,000 cash na pagmamay-ari ni Lorena Carag, 45 anyos dito sa lungsod ng Tuguegarao at dahil sa pakikipagkoordinasyon ng PNP-Tuguegarao sa mga kalapit na police station, na-trap ang apat na suspek sa checkpoint na inilatag ng PNP-Ramon, Isabela.