Nasunog ang isang abandonadong bahay sa Brgy Maraburab, Alcala, Cagayan nitong umaga ng Martes na posibleng dahil sa itinapong upos ng sigarilyo, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni SFO1 Edelberto Mercado, Jr., fire investigator ng BFP-Alcala, alas otso kaninang umaga ng sumiklab ang sunog sa bahay na ginawang imbakan ng pagkain ng kalabaw tulad ng mga tuyong dahon ng mais na pagmamay-ari ni Consolacion Sonido.

Sa paunang imbestigasyon, natuklasang itinapong upos ng sigarilyo ang sanhi ng sunog, bagaman inaalam pa kung sino ang responsable nito.

Sinabi ni Mercado na isang lalakeng naka-motorsiklo ang huminto at umihi sa lugar habang naninigarilyo subalit ilang minuto pa lamang matapos umalis ay sumiklab na ang sunog sa bahay.

Wala namang nasaktan sa insidente pero umabot sa P20,000 ang tinatayang halaga ng pinsala sa natupok na kongkretong bahay na limang taon ng walang nakatira.

-- ADVERTISEMENT --

Muli namang nagpa-alala ang BFP na huwag basta-basta itinatapon kung saan-saan ang mga upos ng sigarilyo lalo na kung hindi ito pinatay para maiwasan ang sunog.