TUGUEGARAO CITY- Umaasa si Congressman Jojo Lara ng 3rd district ng Cagayan na aaksionan agad ng kongreso ang mga binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address na prioriy bills.

Kabilang aniya dito ang Bayanihan Act 2 na para sa pagtugon sa problema na dulot ng covid-19 pandemic.

Sinabi ni Lara na mahalaga na maipasa na ang panukalang batas upang may magamit na pondo sa pagtulong sa mga mamamayan na apektado ng covid-19.

Ayon kay Lara, pasado na ito sa kamara at hinihintay na lang nila ang bersion ng senado.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa Bayanihan Act 2 ay dapat din aniya na maging prioridad ng kongreso ang paglika ng Department of Disaster Resiliency na ito naman ang tututok sa mga hakbang na dapat gawin sa panahon ng mga kalamidad.

Sinabi pa ni Lara na mahalaga din na maipasa ang panukalang paglikha ng Department of Overseas Filipinod na tutugon naman sa mga programa para sa mga overseas Filipino Workers at maging sa mga umuuwing OFWS.

Kasabay nito, sinabi ni Lara na umaasa siya na magtutuloy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng pondo ng pamahalaan sa Cagayan upang magawa ang mga infrastructure projects na nakakatulong din upang magkaroon ng trabaho ang ilan na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemic.

Samantala, sinabi ni Lara na ang intensiyon ng panawagan ni Duterte na ibalik ang death penalty ay upang matigil na ang mga nangyayaring karumaldumal na krimen dahil sa illegal na droga.