Nagpahayag ng pasasalamat si U.S. Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson sa mga Pilipino kasabay ng kanyang pagtatapos bilang envoy ng US sa loob ng tatlong taon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Carlson na ang relasyon ng Pilipinas at Amerika bilang magkaibigan, mag-partner, at magkaalyansa ay naging matatag.

Ang ugnayang ito umano ng parehong bansa ay nakaaapekto sa buhay; nagdudulot ng paglago at kasaganaan; at pagtiyak sa hinaharap.

Dagdag pa niya, may iba’t ibang exchange programs din na nagawa ang mga bansa na naisakatuparan dahil sa Fulbright Commission.

Pinagtulungan umano ng US at Pilipinas para makamit ang pagsulong sa trade at economic cooperation, at may mga nagbukas ding palitan para sa investment at partnership dahil sa trade missions.

-- ADVERTISEMENT --

Noong 2025, tiniyak din daw ng United States ang $313M na foreign assistance sa bansa.

Tumulong din ito sa pagpapalakas ng puwersa ng militar.

Ngayong taon, marami rin aniyang dapat i-celebrate gaya ng 80 years na diplomatic ties, ang 75th anniversary ng Mutual Defense Treaty, at iba pa.

Ibinahagi rin niya na ikinatutuwa niya ang ulat na 82% ng mga Pilipino ang nagtitiwala sa US bilang premier security partner.

Kasabay ng pag-alis niya sa bansa, babaunin daw ni Carlson ang awiting “Kumukutikutitap” ni Ryan Cayabyab, at ang mga alaala kasama ang mga kaibigan, pamilya, at ang sayang naranasan sa pinakamahabang Pasko sa buong mundo.

Sa huli, sinabi ni Carlson na ang pagseserbisyo niya bilang US Ambassador sa Pilipinas ay isang karangalan sa kanyang 40-taong karera.

Kahapon, nagsagawa na ng Departure Honors ang Philippine Coast Guard para US leader.

Samantala, bilang tradisyon, idini-display sa hallway ng mga US embassies sa buong bansa ang larawan ng lahat ng mga naging ambassadors nito.

Ani Carlson, makakasama na ang kanyang picture dito – bagay na ayon sa kanya ay isang karangalan.

Ni-nominate naman ni US President Donald Trump ang dating businessman na si Lee Lipton bilang kapalit ni Carlson.