
Pumanaw na ang kilalang US civil rights leader at Baptist minister na si Jesse Jackson sa edad na 84.
Kinumpirma ng kaniyang pamilya ang pagyao nito, ngunit hindi na nagbigay ng detalye tungkol sa sanhi ng kamatayan.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, naospital siya dahil sa progressive supranuclear palsy (PSP), isang kondisyon na nakaaapekto sa paggalaw at paglalakad. Taong 2017 naman nang ma-diagnose siya ng Parkinson’s disease.
Isinilang si Jackson sa Greenville at nakilala bilang isang masugid na aktibista para sa karapatang sibil.
Naging malapit siya kay Martin Luther King Jr. at nakasama pa sa ilang mga martsa at protesta.
Dalawang beses siyang tumakbo sa pagkapangulo ng Estados Unidos noong 1984 at 1988 ngunit hindi nagtagumpay.
Noong 1984, itinatag niya ang National Rainbow Coalition, na naging kritikal sa administrasyon ni Ronald Reagan.
Noong 1999, tumulong si Jackson sa pagpapalaya ng tatlong US servicemen na dinukot sa Yugoslavia. Dahil dito, ginawaran siya ni Bill Clinton ng Presidential Medal of Freedom.










