Inaasahang darating sa mga susunod na Linggo ang mga eksperto mula sa Estados Unidos na makakatulong ng pamahalaang panglugsod ng Tuguegarao para mapahaba ang lifespan ng sanitary landfill ng higit anim na taon.
Itoy kasunod ng pagiging Environmental Friendly ng Lungsod batay sa isinagawang pagsusuri ng United States Agency for International Development (USAID- Philippines) Clean Cities, Blue Oceans.
Ayon kay Mayor Maila Ting-Que, mula sa limang aspeto na sinuri na kinabibilangan ng ordinansa, paglalaan ng pondo, pagpaplano at community engagement ay nakakuha ang Lungsod ng 86% score kaugnay sa solid waste management.
Sinabi ng alkalde na malaki na ang ipinagbago ng sanitary landfill na nagpoproseso sa 40-tons ng basura kada araw ng Lungsod.
Ayon sa USAID, dahil sa patuloy na pagdami ng populasyon sa Lungsod ay posibleng umabot ng 100-tons kada araw na basura ang makokolekta kung kaya tutulong ito upang mapahaba ang lifespan ng naturang pasilidad.
Pinasalamatan naman ni Que ang libreng tulong na ibinibigay ng US government para sa Lungsod upang makamit ang environmental safety.
Gayundin ang ibat-ibang ahensya ng pamahalaan kung saan unang humingi ng tulong ang alkalde dahil sa problema sa basura.