Bumisita ang agents ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Zamboanga del Norte nitong Sabado at nagsagawa ng imbestigasyon sa ulat na pagdukot sa American national sa nasabing probinsiya.
Dinukot si Elliot Onil Eastman, 26, may asawang Filipina, ng apat na armadong kalalakihan noong Huwebes sa Sibuco, Zamboanga del Norte.
Sinabi ni Efraem Roldan, media relations officer ng crisis management committee ng bayan ng Sibuco, bumisita ang limang agents ng FBI kay Mayor Joel Ventura para kumuha ng updates sa nasabing insidente.
Binisita rin ng agents ang bahay ng asawa ni Eastman sa Sitio Tungawan, Barangay Poblacion, Sibuco.
Nagsasagawa na rin ng paghahanap ang mga pulis at militar kay Eastman.
Ayon kay Roldan, kailangan pang alamin kung ang pagdukot ay kaso ng kidnap for ransom.
Una rito, sinabi ng Philippine National Police sa Zamboanga na may natukoy na silang persons of interest na posibleng sangkot sa pagdukot kay Eastman.
Batay sa initial reports, apat na armadong kalalakihan, na nagpanggap na mga pulis ang pilit na kinuha si Eastman sa kanilang bahay at binaril siya sa kanyang paa nang siya ay pumalag, at isinakay siya sa bangka.