Inakusahan ng parliament speaker ng Iran ang Estados Unidos na lihim na nagpaplano ng ground invasion habang nagpapahayag ng tungkol sa negosasyon.

Dumating na rin sa rehiyon ang USS Tripoli na may sakay na humigit-kumulang 3,500 sundalong Amerikano.

Samantala, nagpahayag ang Pakistan na handa itong maging tagapamagitan sa posibleng pag-uusap ng US at Iran sa mga susunod na araw, kasunod ng pakikipagpulong nito sa mga lider ng rehiyon upang mapababa ang tensyon.

Ayon naman sa Israel Defense Forces, malapit na nitong matamaan ang lahat ng target na itinuturing nitong prayoridad sa Iran.

Inatasan din ni Prime Minister Benjamin Netanyahu ang pagpapalawak ng security buffer zone sa timog Lebanon, kung saan nagpapatuloy ang sagupaan ng Israeli forces at Hezbollah.

-- ADVERTISEMENT --

Sa gitna ng sigalot, sinabi ng mga lider ng Simbahang Katolika na hindi sila pinayagan ng Israeli military na magsagawa ng Palm Sunday sa Church of the Holy Sepulchre sa Jerusalem dahil sa seguridad.

Samantala, naglabas din ang mga media outlet na konektado sa security establishment ng Iran ng kampanya para sa boluntaryong pagpaparehistro sa Tehran, kung saan maaaring sumali ang mga indibidwal na edad 12 pataas para sa mga gawain kaugnay ng seguridad, logistics, at relief operations sa ilalim ng programang “Homeland Defender Fighters for Iran.”