Muling binigyang-diin ni US National Security Advisor Jake Sullivan ang commitment ng US na maisulong ang ‘complete denuclearization’ sa Korean Peninsula.
Ito ay kasabay ng pakikpagpulong niya sa mga top officials ng China na kinabibilangan nina Chinese President Xi Jinping, Foreign Minister Wang Yi at Central Military Commission Vice Chairman Zhang Youxia.
Ayon kay Sullivan, ipinagdiinian niya ang pagnanais ng US na mapababa ang tensyon sa pagitan ng dalawang Korea at mapanatili ang kapayapaan sa lugar.
Mahalaga aniya ang naturang hakbang upang hindi na lumalim pa ang hidwaan sa pagitan ng North at South Korea.
Bagaman hindi na idinetalye ang naging kasagutan ng mga Chinese leaders na kanyang nakausap, sinabi ni Sullivan na mananatili ang US sa kampanya nitong mapag-bati ang dalawang bansa.
Maliban sa sitwasyon sa Korea, muli din umanong ipinanawagan ni Sullivan ang commitment ng US na mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa Taiwan Strait at sa buong Indo Pacific Region.
Sa mga naturang lugar ay kapwa may malaking stake ang China: sa Korean Peninsula, ang China ang nagsisilbing pangunahing kaalyado ng Komunistang North Korea, habang sa Taiwan Strait ay makailang ulit na ang ginagawa nitong pagpasok sa median lane upang igiit nito ang kapangyarihan sa Taiwan.