Sapilitang inilikas sa runway ng Denver International Airport ang isang American Airlines flight matapos magliyab ang preno ng eroplano habang nagpapabilis para sa paglipad patungong Miami nitong Sabado.

Ayon sa pahayag ng airline, ang Flight 3023 na may sakay na 173 pasahero at anim na crew ay nakaranas ng “mechanical issue” bago pa man makalipad.

Lahat ng pasahero ay ligtas na nakababa mula sa eroplano, bagama’t isang pasahero ang nagtamo ng bahagyang pinsala at agad dinala sa ospital para sa pagsusuri.

Ayon sa airline, nag-ugat ang apoy sa preno mula sa pagsabog ng ilang gulong at matinding pagpreno habang pinipigilan ang eroplano sa paglipad.

Kaagad namang rumesponde ang mga bumbero ng lungsod upang apulahin ang apoy.

-- ADVERTISEMENT --

Kumalat sa social media ang mga video ng insidente na nagpapakita ng mga pasaherong nagmamadaling bumaba sa emergency slide habang makapal na usok ang lumalabas sa ilalim ng eroplano.

Isang lalaking may kargang bata pa nga ang muntik pang madapa habang bumababa sa slide.

Kinumpirma naman ng Federal Aviation Administration (FAA) na iniimbestigahan na nila ang insidente at kinilala ang eroplano bilang Boeing 737 MAX 8.

Ang insidente ay sumunod lamang sa isa pang malapit na trahedya kung saan isang Southwest Airlines flight ang halos mabangga sa kalagitnaan ng biyahe.

Sa dami ng mga insidenteng kaugnay sa kaligtasan ng paglipad nitong mga nakaraang buwan, patuloy na lumalaki ang pangamba sa aviation safety sa Estados Unidos.