
Inihahanda ng United States ang panawagan sa mga partner nitong bansa na pumili kung kanino papanig sa lumalaking kompetisyon sa artificial intelligence o AI laban sa China.
Ayon sa isang US official at internal draft na nakita ng Reuters, maaaring hindi maisama sa US-led AI coalition ang mga bansang sasali rin sa katunggaling AI framework ng Beijing.
Nasa 35 bansa ang nakatakdang padalhan ng liham, kabilang ang mga lumagda sa US AI Opportunity Statement.
Bahagi ng estratehiya ng Washington ang Pax Silica, isang inisyatibong naglalayong palakasin ang supply chains para sa AI, semiconductors at critical minerals at bawasan ang pagdepende sa China.
Nasa dalawang dosenang bansa na ang kabilang dito, kabilang ang Japan, Australia at South Korea.
Iginiit ng US na hindi maaaring sabay na makipagtulungan ang isang bansa sa dalawang magkatunggaling AI initiatives.
Samantala, sinabi ng China na tutol ito sa pamumulitika sa usapin ng teknolohiya at kalakalan, at nagbabala na maaari lamang itong makapigil sa pag-unlad ng global AI industry.










