
Nagbabala si US President Donald Trump sa Iran na nauubos na ang oras para maresolba ang nagpapatuloy na tensyon matapos muling mabalam ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang panig.
Sa isang mensahe sa kanyang social media platform na Truth Social, sinabi ni Trump na kailangang kumilos agad ang Iran kung nais nitong maiwasan ang mas matinding sitwasyon sa gitna ng nagpapatuloy na alitan.
Dumating ang pahayag bago ang nakatakdang pag-uusap nina Trump at Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu hinggil sa sitwasyon sa Gitnang Silangan.
Iniulat naman ng Iranian media na nabigo umano ang United States na magbigay ng konkretong konsesyon bilang tugon sa pinakahuling peace proposals ng Tehran.
Ayon sa semi-official na Mehr News Agency, posibleng humantong sa deadlock ang negosasyon dahil sa kakulangan ng kompromiso mula sa Washington.
Nauna nang sinabi ni Trump nitong linggo na nasa kritikal na kondisyon ang ceasefire na umiiral mula pa noong Abril matapos nitong tanggihan ang mga kahilingan ng Iran.
Tinawag din ni Trump na hindi katanggap-tanggap ang counter-offer ng Tehran kaugnay ng mga panukalang pangkapayapaan ng Amerika.
Iginiit naman ni Iranian Foreign Ministry spokesperson Esmail Baghaei na responsable at mapagbigay ang naging tugon ng Iran.
Batay sa ulat ng Tasnim News Agency, kabilang sa panukala ng Iran ang agarang pagtigil ng digmaan sa lahat ng frontlines, pagpapatigil sa naval blockade ng Amerika sa Iranian ports, at garantiya laban sa panibagong pag-atake sa bansa.
Kasama rin umano sa mga kahilingan ng Tehran ang kompensasyon para sa pinsala ng digmaan at pagkilala sa soberanya ng Iran sa Strait of Hormuz.
Nagsimula ang malawakang air strikes ng Israel at Estados Unidos laban sa Iran noong Pebrero 28 habang ipinatupad naman ang ceasefire noong Abril 8 upang bigyang-daan ang negosasyon.
Bagama’t nananatiling umiiral ang tigil-putukan, nagkaroon pa rin ng paminsang palitan ng putok sa magkabilang panig.
Gumanap naman bilang mediator ang Pakistan sa usapan ng US at Iran ngunit nananatiling malayo ang posisyon ng dalawang bansa sa mahahalagang usapin.




