Sinabi ni US President Donald Trump ng Estados Unidos na hindi niya mamadaliin ang posibleng kasunduan sa pagitan ng Amerika at Iran kaugnay ng nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.

Sa kaniyang post sa Truth Social, sinabi ni Trump na inatasan niya ang mga negosyador ng US na huwag magmadali dahil pabor umano sa kanilang panig ang takbo ng panahon habang nagpapatuloy ang maayos at konstruktibong pag-uusap.

Iginiit din ni Trump na mananatiling ipinatutupad ng Amerika ang blockade sa mga pantalan ng Iran hanggang sa magkaroon ng pinal, sertipikado, at pirmadong kasunduan ang dalawang bansa.

Ipinataw ng Estados Unidos ang naturang blockade noong Abril 13 matapos halos mapahinto ng Iran ang pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz, isang mahalagang rutang pangkalakalan ng langis, bilang tugon umano sa mga pag-atake ng Amerika at Israel laban sa Iran na nagsimula noong Pebrero 28.

Dumating ang pahayag ni Trump habang lumalakas ang pagtutol mula sa ilang mambabatas at opisyal sa Washington kaugnay ng ilang detalye ng kasunduan na umano’y lumabas sa publiko.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman kay Iranian Foreign Ministry spokesperson Esmaeil Baqaei, malapit nang mabuo ang isang memorandum of understanding o framework agreement na binubuo ng 14 na probisyon bilang bahagi ng paglapit ng dalawang bansa sa isa’t isa.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi rin ni Trump na halos tapos na ang kasunduan ngunit kailangan pa itong plantsahin at pinal na pagtibayin.