Pinagtibay ng US Supreme Court ang batas na nagbabawal sa TikTok sa US maliban lang kung ibebenta ng China-based parent company na ByteDance ang platform bukas, January 19.
Hinamon ng TikTok ang batas, kung saan iginiit na ito ay paglabag sa free speech protections sa mahigit 170 million users sa US.
Subalit, hindi tinanggap ng US Supreme Court ang argumento, na ibig sabihin kailangan nang maghanap ng TikTok ng approved buyer para sa US version ng app o tatanggalin ito sa app stores at web hosting services.
Kaugnay nito, sinabi ng White House na nasa kamay na ng administrasyon ni incoming President Donald Trump ang pagpapatupad sa batas.
Nangako naman si Trump na magbibigay siya ng desisyon sa nasabing usapin sa malapit na hinaharap.
Sinabi ni TikTok CEO Shou Zi Chew, na inaasahan na dadalo sa inagurasyon ni Trump sa Lunes, January 20, kasama ang iba pang high – profiles guests na nais niyang pasalamatan si Trump sa kanyang commitment na makipagtrabaho sa app at panatilihin ito sa US.
Matatandaan na kapwa bumoto ang Democratic at Republican lawmakers na ipagbawal ang video-sharing app nitong nakalipas na taon, dahil sa alalahanin may kaugnayan sa Chinese government.
Iginiit naman ng TikTok na hindi ito nagbabahagi ng mga impormasyon sa China.
Mayroon lamang hanggang bukas ang may-ari ng TikTok na ByteDance na ibenta ang US version ng platform sa isang nuetral party para maiwasan na tuluyan itong ipagbawal sa US.
Ibig sabihin, simula bukas, hindi na iaalok ng Google at Apple ang app sa mga bagong users.
Nangako naman ang Bytedance na hindi nila ibebenta ang TikTok at plano nila na isara ang operasyon ng app sa US bukas maliban lamang kung ito ay ipagpapaliban.