Muling iginiit ng Department of Finance (DOF) na nananatiling nasa ligtas na antas ang utang panlabas ng bansa, sa kabila ng pagtaas nito, kumpara sa ilang mga bansa sa Asya.

Ayon sa DOF, umabot sa P16.75 trilyon ang kabuuang utang ng pamahalaan, ngunit ito ay mas mababa kung ihahambing sa Japan (P485.94 trilyon), Singapore (P53.68 trilyon), South Korea (P46.89 trilyon), Indonesia (P31.37 trilyon), at Thailand (P17.73 trilyon).

Dagdag pa ng ahensya, simula nang maupo ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022, bumaba na ang debt-to-GDP ratio ng Pilipinas sa 60.7% ngayong 2024, mula sa higit 70% sa panahon ng pandemya.

Target ng gobyerno na pababain pa ito sa mas mababa sa 60% pagsapit ng 2028, kasabay ng inaasahang paglago ng ekonomiya na aabot sa P36.8 trilyon.

Ayon sa DOF, 69.2% ng utang ay lokal habang 30.8% ay mula sa labas ng bansa. Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, sinusunod ang 80:20 borrowing mix pabor sa domestic borrowing upang mapalakas ang lokal na pamilihang pinansyal at mapababa ang panganib sa palitan ng piso.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod pa rito, 91.5% ng utang ay nasa fixed interest rates at 81.3% ay may pangmatagalang bayaran, na nagbibigay ng mas maluwag na fiscal space para sa mga programang pangkaunlaran.

Sa usapin ng kita, iniulat ng DOF na umabot sa P1.43 trilyon ang koleksyon ng buwis mula Enero hanggang Abril 2025, tumaas ng 11.49% kumpara sa nakaraang taon.

Kasama rito ang P1.11 trilyon na nakolekta ng BIR at P306.1 bilyon mula sa BOC. Dahil dito, unti-unting bumababa ang fiscal deficit ng bansa mula 8.6% noong 2021, patungo sa 3.8% target sa 2028.

Pinuri rin ng DOF ang credit rating upgrade na nakuha ng bansa, na nagpapakita ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa katatagan ng ekonomiya ng Pilipinas.