Lumobo sa P17.56 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas pagdating ng Oktubre 2025, ayon sa Bureau of the Treasury.

Tumaas ito ng P106.78 bilyon kumpara sa naunang buwan dahil sa karagdagang paghiram ng gobyerno at paghina ng piso laban sa dolyar.

Nadagdagan ng P72.43 bilyon ang domestic debt, na umabot sa P12.05 trilyon, bunsod ng netong paghiram at pagtaas ng halaga ng retail dollar bonds.

Samantala, umakyat sa P5.52 trilyon ang external debt dahil sa dagdag na loan availment at pagtaas ng peso value ng foreign debt.

Ayon sa Treasury, ang paghina ng piso sa P58.771 kada dolyar ay nagdagdag ng P58.64 bilyon sa kabuuang utang.

-- ADVERTISEMENT --

Nanatiling pinakamalaking bahagi ng debt stock ang domestic debt na nasa 68.6 porsiyento, alinsunod sa estratehiya ng gobyerno na bawasan ang foreign exchange risks.

Mula Enero hanggang Oktubre, nadagdagan ng P1.51 trilyon ang utang ng bansa.

Tumaas din ito ng P1.54 trilyon kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon, sa gitna ng malawakang pangungutang para pondohan ang mga proyekto sa riles, kalsada, at paliparan, kahit bumagal ang infrastructure spending dahil sa kontrobersiya sa mga flood control project.