Umabot na sa ₱17.708 trilyon ang kabuuang utang ng pamahalaan ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2025, na mas mataas kaysa sa itinakdang target ng gobyerno.

Ayon sa Bureau of the Treasury, ang pagtaas ng utang ay dulot ng mas agresibong pangungutang ng bansa sa pamamagitan ng strategic net issuance ng mga debt instrument upang tustusan ang mga programa ng pamahalaan. Nakaapekto rin dito ang paghina ng piso kontra dolyar at iba pang dayuhang pera.

Batay sa datos ng ahensiya, tumaas ng 10.32% ang outstanding debt ng National Government mula sa ₱16.05 trilyon noong 2024. Ito ay 2% na mas mataas kaysa sa inaasahang ₱17.36 trilyon sa pagtatapos ng taon.

Samantala, kumpara noong Nobyembre 2025, bahagyang umakyat ng 0.34% ang kabuuang utang mula ₱17.65 trilyon.

Sa kabila nito, iginiit ng Bureau of the Treasury na nanatiling matatag ang debt profile ng bansa, lalo’t 68.4% ng kabuuang utang ay mula sa domestic sources, o mga pondo at resources na nagmumula sa loob ng bansa.

-- ADVERTISEMENT --