Tumaas pa sa panibagong record-high ang kabuuang utang ng Pilipinas na umabot sa P16.92 trilyon sa pagtatapos ng Mayo 2025, batay sa datos na inilabas ng Bureau of the Treasury (BTr).

Mas mataas ito ng 0.99% kumpara sa P16.75 trilyon na naitala noong Abril, bunsod ng patuloy na pangungutang ng pamahalaan upang tustusan ang mga pangangailangang pangbadget.

Ayon sa BTr, ang pagtaas ay pangunahing dulot ng matagumpay na netong paglalabas ng mga bagong domestic securities na sumasalamin sa patuloy na tiwala ng mga mamumuhunan sa ekonomiya ng bansa.

Sa kabuuang utang, 69.6% ang galing sa domestic borrowings habang 30.4% naman ang utang panlabas.

Ito’y nagpapakita ng mas piniling lokal na pangungutang upang maiwasan ang panganib sa palitan ng dayuhang salapi at mapalakas ang lokal na pamilihang pinansyal.

-- ADVERTISEMENT --

Tumaas sa P11.78 trilyon ang utang lokal mula sa P11.59 trilyon noong Abril, dahil sa net issuances na umabot sa P190.87 bilyon.

Samantala, bahagyang bumaba sa P5.14 trilyon ang foreign debt mula sa P5.16 trilyon dahil sa net repayments at pag-appreciate ng piso.

Sinabi rin ng Treasury na nananatili ang gobyerno sa maingat na estratehiya ng pamamahala sa utang upang tiyakin na ang mga hiniram na pondo ay nakaayon sa layuning fiskal at katatagan ng ekonomiya.