Dinagdagan ang annual vacation service credits (VSCs) para sa mga public school teachers mula sa 15 ay magiging 30 days na.

Ito ay base sa DepEd Order No. 13, s. 2024 o ang Revised Guidelines on the Grant of VSCs for Teachers na nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara noong September 18.

Ayon sa Department of Education, ang VSCs ay tumutukoy sa leave credits na naipon ng mga guro para sa mga serbisyo na ginawa ng mga ito sa mga aktibidad na otorisado ng mga proper authorities sa summer, Christmas vacation, weekends, holidays at maging para sa teaching overload.

Base sa kautusan, ang mga guro na mayroong isang taon na service, maging ang mga bagong mga guro na may appointments na inilabas ng wala pang apat na buwan bago ang unang araw ng pasukan, ay entitled sa 30 VSCs kada taon.

Sinabi ng DepEd na ang isa sa improvement ng binagong guideline ay ang probisyon sa pagbilang sa service credits na sobra sa kanilang regular na oras ng trabaho.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, ang mga guro na gagawa ng dagdag na teaching-related duties tulad ng pagdalo sa training sessions sa weekends o holidays, gumagawa ng remedial classes, election-related duties, teacher-parent conferences, at home visits na labas sa kanilang regular na oras ng trabaho ay makikinabang din sa bagong guidelines.

Magkakabisa ito, 15 days mula sa approval at publication nito sa website ng DepEd.