Humingi ng pang-unawa ang pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa mga hindi napagbigyan makaraang dagsain ng mga nais magpabakuna kontra COVID-19 ang vaccination roll-out sa naturang pagamutan.
Bukod kasi sa pagbabakuna sa immediate family members ng mga health workers na kabilang sa priority group A1.9 ay inanunsyo ng CVMC ang pagtanggap sa mga walk-in na edad 18-pataas na nais mabakunahan.
Ayon kay William Apostol, Health Education and Promotion Officer ng CVMC na hindi nila inasahan ang pagdagsa ng nasa halos 500 mga walkin dahilan upang umabot ang pila ng mga nais mabakunahan hanggang sa labas ng pagamutan.
Bagamat nais nilang mabakunahan ang lahat, sinabi ni Apostol na kailangan pa rin masunod ang mga panuntunan bago ang pagbabakuna tulad ng pagpapakita ng medical clearance galing sa duktor kung ang mababakunahan ay buntis o may chronic diseases at magdala rin ng valid Identification Card (ID).
Gayunman, sasailalim pa ang mga ito sa assesment kung nararapat ba silang tumanggap ng bakuna o hindi.
Nabatid na nasa 120 vials ng moderna na sapat para sa sampu hanggang 15 shots ang inilaan ng Department of Health para sa vaccination roll-out ng CVMC na magpapatuloy hanggang ngayong Huwebes, Oktubre-28.
Dagdag pa ni Apostol na hindi pa matiyak kung magpapadagdag ang CVMC ng suplay ng bakuna sa kabila ng pagdagsa ng mga nais mabakunahan.
Sa Biyernes, October 29, sisimulan na rin ang rollout ng COVID-19 vaccines para sa mga batang 12 hanggang 17 anyos na may comorbidity sa CVMC.