Tuguegarao City- Tiniyak ng Tuguegarao City Health Office ang kahandaan ng vaccination plan ng lungsod bilang paghahanda sa pagdating ng mga bakuna laban sa COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. James Guzman, City Health Officer, mayroon ng apat na vaccination team na binuo ang nasabing tanggapan na may limang personnel sa bawat grupo.
Aniya, sila ang mangangasiwa sa pagbabakuna sa mga barangay dito sa lungsod habang ang mga pribado at pampublikong ospital naman ay mayroon na ring sariling vaccination team na magbabakuna ng kanilang mga kawani.
Saad pa ni Guzman, bahagi ng inilatag na plano ay ang pagtutok sa vaccine hesitancy o agam-agam ng publiko kung saan lalong paiigtingin ang kampanya sa pagbibigay ng tamang impormasyon tungkol sa bakuna.
Paliwanag nito, ang mga bakuna ay dumaan sa tamang pag-aaral, proceso at pagsusuri kaya’t walang dapat na ipangamba ang publiko sa pagpapaturok nito.
Giit pa niya, ang adverse effect ng bakuna kaugnay sa pagkakaroon ng lagnat o pananakit ng katawan ay bahagi lamang ng epekto nito upang makapag produce ng anti-bodies ang katawan na panlaban sa virus.
Tiniyak naman nito ang kahandaan ng kanilang tanggapan para sa mga gamot mga hakbang na dapat gawin sakaling magdulot ng adverse effect ang bakuna sa katawan ng taong matuturukan nito.
Maalalang una ng inihayag ng LGU Tuguegarao na kabilang sa mga makakatanggap ng bakuna dito sa lungsod ay ang mga medical frontliners, uniform personnel, indigent senior citizen, mga guro at general population.
Samantala, sa ngayon ay mayroon nalamang aniyang 50 na aktibong kaso ng COVID-19 ang binabantayan sa lungsod at patuloy ang pagbaba nito ngunit paalala ni Guzman na huwag makampante at panatilihin pa rin ang pagsunod sa mga safety protocols laban sa COVID-19.