Desidido ang mag-asawang Persons with Disability (PWD) na ituloy ang reklamo laban sa isang driver ng pampasaherong van dahil sa overcharging.
Sa kanilang pagharap sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sinabi ng mag-asawang Roger at Marilou Labang na siningil sila ng inirereklamong van driver na si Emerson Viernes ng P800 mula Tuguegarao City papunta sa bayan ng Allacapan, Cagayan.
Bagamat aminado ang van driver sa paniningil ng sobra sa minimum fare na P150 ay hindi naman tinanggap ng mag-asawang may kapansanan sa paningin ang dahilan ng driver na pagod o stress lamang siya noong araw na iyon.
Kwento pa ng mga complainant na nagmakaawa pa sila upang bigyan ng diskwento dahil sa kanilang kapansanan subalit nagmatigas umano ang driver at siningil pa rin sila ng sobra.
Bukod sa overcharging, hindi pa umano sila pina-upo sa upuan na nakalaan para sa PWD o senior citizen.
Kasabay nito, sinabi ng mag-asawang complainant na itutuloy nila ang pagsasampa ng reklamo upang magsilbing leksyon at babala sa iba pang drivers ng pampasaherong sasakyan.
Samantala, sa susunod na Linggo maglalabas ng desisyon ang LTFRB sa posibleng parusang ipapataw laban kay Viernes.