Pinagmumulta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang van driver at operator nito na inireklamo ng overcharging ng mag-asawang pasahero na may kapansanan sa paningin.
Sa inilabas na desisyon ng LTFRB, pinagmumulta ng kabuuang P15,000 ang driver na si Emerson Viernes at ang operator ng van na si Orlanda Jacobe dahil sa paniningil ng sobra, kabiguang magbigay ng diskwento at maglaan ng upuan para sa pasaherong PWD.
Inirekomenda din ng LTFRB sa Land Transportation Office (LTO) ang anim na buwan na suspesyon sa lisensiya ni Viernes.
Matatandaang, inireklamo sa LTFRB ng mag-asawang Roger at Marilou Labang si Viernes dahil sa paniningil sa kanila ng P800 mula Tuguegarao City patungong Allacapan, Cagayan, sa halip na P150 bawat isa.
Iginiit naman ng driver na nakipag-kasundo umano sa kanya ang dalawang pasaherong PWD para sa babayarang pamasahe dahil sa kanilang karga.