Posible umanong nakatulog sa biyahe ang driver ng pribadong van na nahulog sa bangin at ikinasawi ng mag-asawang pastor at dalawa nilang anak sa Tabuk City, Kalinga nitong madaling araw ng Sabado de Gloria.

Kinilala ang mga nasawing mag-asawang pastor na sina Marcelo Sagyaman, 49-anyos at Marivic Sagyaman, 48-anyos, kabilang ang kanilang dalawang anak na sina Asrel Sagyaman, 12-anyos at Marvin Sagyaman, 27-anyos, driver ng kanilang sinakyang white starex van at pawang mga residente ng Brgy Sacpil, Conner, Apayao.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMSGT Janford Wassig, tagapagsalita ng PNP-Tabuk, galing sa tatlong araw na fellowship sa Lubon, Tadian, Mountain Province ang mga biktima at pabalik na sa kanilang simbahan sa Brgy. Dilag, Tabuk City nang nahulog ang kanilang sasakyan sa bangin na may lalim na 400 metro sa Brgy Lucog bandang alas-4:30 ng madaling araw.

Sa kwento ni Karel Dungdungen, miyembro ng mag-asawang pastor at lulan ng jeep na convoy ng mga biktima na nauna sila sa Tabuk City at inaantay nila ang mga biktima subalit nang mapansing wala sa kanilang likuran ang van ay nagpasya silang bumalik para salubungin ito.

Gayunman ay nadatnan nila sa pinangyarihan ng aksidente ang mga residenteng naghihintay ng responde at nakita ang Starex Van na nakabulagta sa Chico River mula sa pagkakahulog nito.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Dungdungen na walang sapat na pahinga ang mga dumalo sa pagtitipon lalo ang mga biktima at posibleng nakatulog sa biyahe ang anak ng mag-asawang pastor na driver ng van.

Ayon naman kay Peodilyn Bumanglag, tagapagsalita ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) Kalinga, tumagal ng mahigit apat na oras bago tuluyang naiahon ang katawan ng mga biktima mula sa Chico river.

Bukod sa mga otoridad ay tumulong din sa rescue operations ang mga residente sa lugar.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang mga biktima na siyang dahilan ng kanilang agarang pagkamatay.